MANILA, Philippines – Inamin kahapon ng pamunuan ng Metro Rail Transit na nakakaalarma at nakakadismaya na ang biyahe ng MRT dahil sa araw-araw na pagkakaroon nito ng aberya.
Ayon kay MRT-3 General Manager Roman Buenafe, muling nagkaroon ng aberya ang biyahe kahapon alas-5:50 ng umaga makaraang magpahintu-hinto ang power supply sa isang tren ng MRT sa Taft Avenue station.
Dahil sa nangyari ay napilitan ang operator na ibalik na lamang sa kanilang depo o garahe sa Nort Avenue ang tren na nagkaroon ng ‘power failure’.
Sinabi ni Buenafe, hindi na normal ang operasyon ngayon ng MRT dahil 12 tren na lamang ang nakakabiyahe araw-araw sa halip na 18 tren na nakasaad sa kontrata mula sa maintenance provider nito na Global APT.
Igiit ni Buenafe na araw-araw din nilang pinapatawan ng penalty o multa ang Global APT dahil hindi nito nasusunod ang nakasaad sa pinirmahang kontrata mula sa Department of Transportation and Communications (DOTC).
Kadalasan na nagkakaroon ng aberya, tuwing ‘rush hour’ kaya lalong humahaba ang pila ng maraming pasahero at naiipon sa mga istasyon ng MRT.
Samantala, libong mga pasahero rin ang na-stranded matapos magkaaberya ang train ng Philippine National Railways (PNR) sa Taguig kahapon ng umaga.
Nabatid, na pasado alas-6:00 ng umaga, nagkaroon ng aberya ang isang train ng PNR na ang biyahe ay mula Laguna patungong Tutuban sa Maynila.
Pagdating ng terminal sa FTI, Taguig City ay biglang tumigil ito dahilan upang ma-stranded ang mga pasahero nito na halos umabot ng isang oras.
Ayon sa ilang tauhan ng PNR na tumangging magpabanggit ng pangalan, nagkaroon aniya ng problema sa coupling na siyang dumudugtong sa bagon na dahilan umano ng aberya. Subalit, sa panig naman ng pamunuan ng PNR, nagkaroon umano ng battery problem.
Pasado alas-7:00 ng umaga ay muling bumalik sa normal na operasyon at umandar na ang train na sinasakyan ng mga pasahero.