Binata nagbigti sa Valentines Day

MANILA, Philippines – Nagpakamatay ang isang 20-anyos na binata sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa loob ng kanilang banyo sa mismong Araw ng mga Puso sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Sa ulat ni PO2 George Caculba, imbestigador, ang bangkay ng  biktimang si Efren de Guzman Jr., ay nadiskubreng nakabitin sa banyo ng kanilang bahay sa Litex Road, Bgy. Commonwealth, alas-6 ng umaga.

Natuklasan ang biktima ng kanyang kapatid na babae na si Jessica nang gagamit ito ng kanilang banyo at nakita ang una na nakabigti sa may steel water pipe gamit ang nylon cord na ipinalupot sa kanyang leeg.

Agad na tinawag ni Jessica ang ilang kaanak at kinalag mula sa pagkakabigti ang biktima saka itinakbo ito sa East Avenue Medical Center pero idineklara ring dead-on-arrival.

Tumanggi naman ang pamilya ng biktima na magsagawa ng pormal na pagsisiyasat ang awtoridad matapos na lumagda ito sa isang waiver sa paniwalang nagpakamatay ang biktima.

Show comments