MANILA, Philippines – Dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na kapwa naka-posas ang mga kamay at pinagbabaril sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Antipolo City, kahapon ng madaling-araw.
Ang mga biktima ay nakita dakong alas-4:00 ng madaling-araw sa gilid ng kalsada ng Brgy. Sta. Lucia, Sumulong Hi-way sa lungsod.
Ang unang biktima ay tinatayang nasa edad na 27-30, may taas na 5’5’’-5’-6’’, nakasuot ng puting t-shirt at blue na short pants. Habang ang ikalawang biktima ay natagpuan may 100 metro ang layo mula sa kinatagpuan ng unang biktima sa nabanggit ding lugar ay tinatayang nasa edad 32-34, may taas na 5’7’’, nakasuot ng itim na t-shirt at maong na shorts.
Kapwa nagtamo ng tig-tatlong tama ng bala sa katawan ang dalawang biktima at naka-posas na patalikod ang mga kamay.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinasabing nakarinig ang ilang residente sa lugar ng pagmamakaawa ng mga biktima bago sila pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin.
Narekober ng pulisya ang tig-tatlong basyo ng bala ng kalibre .45 baril malapit sa bangkay ng dalawang biktima.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad para mabatid ang pagkakakilanlan ng dalawang biktima at matukoy kung sino ang may kagagawan ng krimen.