Miyembro ng ‘Estribo’, arestado

Arestado ang isa sa tatlong miyembro ng ‘Estribo gang’

MANILA, Philippines - Arestado ang isa sa tatlong miyembro ng ‘Estribo gang’ ilang minuto matapos nilang holdapin ang isang pam­pasaherong jeepney sa kahabaan ng Quirino highway sa lungsod Quezon kama­kalawa ng gabi.

Sa ulat ng QCPD-Station 5, nakilala ang suspect na si Abraham Angeles, 27, ng San Ignacio St., Villareal Brgy. Gulod Novaliches sa lungsod.

Nangyari ang insidente sa may  Quirino highway malapit sa kanto ng Ebarim Drive, Brgy. Kaligayahan, ganap na alas-9:10 ng gabi.

Diumano, sumakay ang suspect na si Angeles kasama ang dalawa pa sa isang pampasaherong jeep at magkunwaring mga pasahero.

Pagsapit nila sa naturang lugar, biglang naglabas ng patalim ang mga suspect sabay deklara ng holdap kung saan kinuha ang gamit at pera ng mga biktima  bago nagsitakas.

Agad namang humingi ng saklolo ang mga biktima sa mga nagpapatrulyang ba­rangay tanod sa lugar at hinabol ang mga suspect na ikinaaresto ni Angeles, habang nakatakas naman ang dalawang kasama nito.

Gayunman, hindi na rin nabawi ng mga natangay na gamit sa mga biktima. Patuloy ang follow-up operation ng mga awtoridad laban sa mga suspect.

Show comments