Lalaki binundol, hinulog sa ilog ng mga nakatitigan

MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki matapos itong bundulin ng isang sport utility vehicle na sakay ang apat na kalalakihan at isang babae hanggang sa mahulog sa ilog ang una sa Makati City.

Kinilala ang nasawing si Mark Lorence, 26, taga-Brgy. Guadalupe Viejo ng nabanggit na lungsod.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng limang suspek na sakay ng isang kulay itim na SUV na may plakang ZRK 123, na pag-aari umano ng Philippine 77 Corporation.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Alfred Reyes ng Homicide Section, Makati City Police, naganap ang insidente noong Sabado, Pebrero 7, alas-5:45 ng umaga.

Sakay ang biktima ng isang motorsiklo at angkas nito ang kaibigang si Jeffrey Lozano nang makasalubong at nakatitigan nila ang mga sakay sa naturang SUV.

Nagalit ang mga suspek hanggang sa hinabol sila at nang maabutan ay binundol ang motorsiklong gamit nina Lorence at Lozano. Nahulog si Lorence sa Pasig River at si Lozano naman ay nakaligtas na nagsilbing saksi sa insidente.

Noong Linggo, Pebrero 8, alas-7:00 ng umaga ay natagpuan ang palutang-lutang na bangkay ni Lorence sa Pasig River sa Sta. Ana, Maynila ng Philippine Coast Guard. 

Show comments