MANILA, Philippines – Walang ‘foul play’ na nakita ang mga awtoridad hinggil sa pagkamatay ng limang miyembro ng isang pamilya sa San Juan City kamakalawa ng umaga.
Ayon kay San Juan City Police Chief Sr. Supt. Ariel Arcinas, walang nakitang forcible entry at wala ring nawawalang gamit sa bahay ng mga biktima sa Bgy. Greenhills, San Juan City.
Sinabi ni Arcinas na hinihintay na lamang nila ngayon ang resulta ng autopsy sa bangkay ng mga biktimang sina Luis Hsieh, 50, Taiwanese national; asawang si Roxanne, 53; at kanilang mga anak na sina Amanda, 19; Jeffrey, 14; at John, 12, pawang residente ng 13 GV 2 Midland Park Manor Condo, Ortigas Avenue, corner Madison St., sa Brgy. Greenhills, San Juan City.
Anang opisyal, sa awtopsiya nila matutukoy kung sino sa mga biktima ang huling binawian ng buhay dahil ito anila ang posibleng naglagay ng tape sa mukha at nagbalot ng plastic sa ulo ng mga biktima na sinasabing dahilan ng kanilang pagkamatay.
Lumitaw din sa imbestigasyon na pinakain muna ng pampatulog ang mga biktima bago binalutan ng plastic sa ulo para hindi makahinga hanggang tuluyang mamatay.
Sinasabing planado ng mag-asawa ang pagpapakamatay at pagdamay sa mga anak dahil sa problema ng pamilya sa kanilang negosyong furniture.
Nabatid din na si Luis ang naglagay ng plastic sa ulo ng kanyang asawa at mga anak habang si Roxanne naman ang nagluto ng pagkain na may
pampatulog o lason na siyang ipinakain sa kanilang mga anak.
Sa unang ‘suicide note’ ay ibinilin pa ni Roxanne sa mga katulong na huwag kakainin ang pagkain sa mesa dahil para iyon sa kanilang mga anak.
Habang sa ikalawang ‘suicide note’ ay ibinilin ni Roxanne na agad ipa-cremate ang kanilang mga bangkay.