MANILA, Philippines – Pinatay muna ng mag-asawang Taiwanese national ang kanilang tatlong anak bago nagpakamatay sa loob ng kanilang tahanan sa San Juan City, kahapon ng umaga.
Ang mga nasawi ay nakilalang sina Luis Hsieh, 50; at asawang si Roxanna Hsieh, 53; at kanilang mga anak na sina Amanda Hsieh, 19; Heffrey Hsieh, 14; at John Hsieh, 12, pawang residente ng 13 GV2 Midland Park Manor Condo, Ortigas Avenue, corner Madison St., sa Brgy. Greenhills, San Juan City.
Ayon kay San Juan Police Chief Superintendent Ariel Arcinas, ang bangkay ng mag-asawa at ng dalawang anak na lalaki ay natagpuan sa master’s bedroom dakong alas-9:30 ng umaga habang ang bangkay naman ni Amanda ay nasa loob ng kanyang kuwarto.
Hinihinalang pinakain muna ng pagkaing may pampatulog ng mag-asawa ang kanilang mga anak bago tinakluban ng plastic at tape sa kanilang mga mukha upang hindi makahinga at mamatay.
Nang maisagawa ang krimen ay saka nagpakamatay ang mag-asawa.
Lumilitaw din sa imbestigasyon na wala namang forcible entry sa tahanan at wala ring anumang sugat sa katawan ang mga biktima.
Nag-iwan pa umano ng dalawang suicide note si Roxanna sa tabi ng lababo sa kusina na malapit sa kuwarto ng mga katulong na si Livina Econia, 21, stay-in, na nagbibigay dito ng instruction na ibigay ang isang liham sa kaibigan nitong si Ama Grace, na isang doktora na kapitbahay din ng mga biktima; habang ang isa pa ay para sa administrator ng subdibisyon.
Dakong alas-6:30 ng umaga nang matagpuan ng katulong ang liham ngunit alas-9:00 ng umaga pa niya ito ibinigay sa mga kinauukulan batay na rin sa habilin ng amo.
Nang mabasa naman ng doktora ang liham ay kinilabutan ito at kaagad na nagtungo sa tahanan at kasama ang katulong at dalawang pulis, ay kinatok ang kuwarto ng mga biktima.
Pinuntahan nila ang mag-anak at tumambad ang mga bangkay ng mga ito.
Hinihiling din ng mga biktima sa suicide note na ipa-cremate na lamang kaagad ang kanilang mga bangkay.
Sa salaysay naman sa pulisya ng mga katulong, sinabi ng mga ito na wala naman silang narinig na anumang komosyon mula sa kuwarto ng mga biktima mula gabi maging kahapon ng madaling-araw.
Gayunman, sinabi nito na nagluto umano ang kanilang among babae ng pagkain at binilinan silang huwag itong kainin dahil para ito sa kanilang mga anak.
Tutukuyin din aniya nila kung sino sa mga biktima ang unang namatay at huling namatay upang matukoy kung sino ang may kagagawan ng krimen.
Ayon pa kay Arcinas, nakakalap sila ng impormasyon na may problema sa negosyo ang pamilya na sinasabing may pagkakautang na aabot sa milyong piso ang halaga bagamat kinukumpirma pa nila ito.
Sa kabila naman nito, patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy kung ano ang talagang nangyari sa mga biktima.