Bangladesh national, utas sa ambush ng tandem

Namatay noon din sa loob ng minamanehong sa­sakyan ang Bangladesh national na si Anizur Raman makaraang ambusin ng riding in tandem suspects sa Kamias, Quezon City. Boy Santos

MANILA, Philippines - Utas ang isang Bang­ladesh national makaraang tambangan ng riding-in-tandem suspect habang sakay ng kanyang Toyota Fortuner sa kahabaan ng Kamias Road, lungsod Quezon, kahapon ng umaga.

Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police Station 9, nakilala ang bi­ktima na si Anizur Raman, 48, na agad na na­sawi sa lugar dahil sa tinamong mga tama ng bala sa ulo.

Agad namang sumibat papalayo sa lugar ang mga suspect sakay ng isang motorsiklo, patungo sa hindi mabatid na direksyon.

Nangyari ang insi­dente pasado alas-12 ng tanghali sa may Kamias Road, malapit sa kanto ng Kasing-kasing St., Brgy. West Kamias sa lungsod.

Diumano, minama­neho ng biktima ang kanyang Toyota Fortuner at tinatahak ang nasabing lugar nang  hu­minto makaraang abutan ng stop light sa Kalayaan St. Doon na biglang su­mulpot ang mga suspect sakay ng isang motorsiklo saka pinagbabaril ang biktima.

Sinasabing umarang­kada pa ang sa­sakyan ng biktima, matapos na ito’y pagbabarilin pero  bumangga na ito sa isa pang sasakyan pagsapit sa Kasing-kasing St., ma­tapos malagutan ng hininga.

Sa kasalukuyan, nag­­sasagawa na ng pagsisiyasat ang Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) sa na­sabing insidente.

Show comments