MANILA, Philippines – Paiigtingin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng anti-jaywalking campaign kasabay nang pagsasabing mahigit na sa 10,000 ang nahuhuling lumalabag dito.
Ayon sa MMDA, sa ngayon ay nasa P500 ang multang ipinapataw sa mga nahuhuling lumalabag sa anti-jaywalking.
Mariing tututukan din ng ahensiya ang mga “no loading areas” na madalas maraming pedestrian at mananakay ang hindi sumusunod kung kaya’t nakakadagdag pa ito ng trapik sa Metro Manila.
Una nang nilinaw ni MMDA Assistant General Manager for Operations Emerson Carlos, na hindi lamang ang pagtawid sa hindi tamang tawiran ang maituturing na paglabag sa jaywalking kundi maging ang paghihintay sa mga “no loading areas”.
Hindi lamang umano panganib ang nakaamba sa mga sumasakay sa hindi tamang sakayan, kundi may epekto rin ito sa daloy ng trapiko.
Sa tala ng MMDA, nabatid na mula Agosto 2014 hanggang Enero 2015, nasa kabuuang 10,784 bilang na ang nahuling lumabag sa anti jaywalking campaign.
Bukod sa multang 500, sila’y inoobliga na sumailalim sa community service sa loob ng tatlong oras at sasailalim din ang mga violator sa disaster seminar.