MANILA, Philippines - Isasagawa ngayong araw na ito sa Taguig City ‘Walk for Sympathy and Justice’ ng grupo ng Alumni Association ng Philippine National Police Academy (PNPA) para sa mga nasawing pulis sa Mamasapano, Maguindanao.
Kahapon ay hinikayat ng naturang grupo na magtungo ang mga Lakan at Lakambini ng PNPA sa Libingan ng mga Bayani sa naturang lungsod, alas-5:00 ng madaling-araw para magsagawa ng Walk for Sympathy and Justice.
Ang hakbangin ng grupo ay upang kondinahin ang umano’y “barbaric” na pagpatay sa may 44 PNP-Special Action Force (SAF) commandos noong Linggo (Enero 25) sa Mamasapano, Maguindanao.
Sa kanilang isasagawang ‘Walk for Sympathy and Justice’, mariing hiling din nila na mabigyan ng hustisya ang sinapit ng mga biktima.
Matatandaan na nagbanta ang naturang grupo ng “mass leave” bilang apila sa brutal na pagpatay sa mga kahanay nilang pulis.
Samantala, isang malawakang panalangin ang inilunsad kahapon ng National Council of Churches in the Philippines sa Quezon City bilang pakikiramay at pag-aalay sa mga naulila ng nasawing pulis sa Mamasapano clash.
Ayon kay Most Rev. Ephraim Fajutagana, Obispo Maximo ng Iglesia Filipina Indipendiente, kaisa ang NCCP sa lumalawak na boses upang ipanawagan sa pamahalaan ang mas malalimang imbestigasyon sa naganap na bakbakan sa Maguindanao.
Anya, di sapat na sabihin ni DILG Secretary Mar Roxas na mis-encounter lamang ang nangyari at dapat din umanong linawin ng pamahalaan kung bakit nalabag ang cease fire agreement ng gobyerno sa pagitan ng MILF na nagtulak sa kapahamakan ng mga special action force nang lusubin ang nasabing lugar.