MANILA, Philippines - Matapos matukoy ang mga responsable sa pagpapasabog na ikinasawi ng isang inmate at pagkasugat ng 19 pa, ibinalik na ang pagpapatupad ng dalaw sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kahapon. Sa ginanap na press conference kahapon, sinabi ni Bureau of Correction (BuCor) Director Franklin Jesus Bucayu, na tinanggal na ang ban sa dalaw sa mga inmates. Sa ngayon ay dalawang araw na lamang muna pwedeng dalawin ang mga preso ng kanilang mga kaanak, ito ay ang mga araw ng Sabado at Linggo, simula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon, na dati-rati ay limang araw.
Nilinaw ng BuCor, na tanging mga immediate family lamang ang maaaring bumisita sa mga preso habang ang kanilang mga abogado kahit anong oras at araw ay pwedeng dumalaw. Saka na lang aniya papayagang dumalaw ang mga kaibigan o iba pang kamag-anak kapag iniatas na ng DOJ na pwede nang ibalik sa dati ang dalaw sa mga preso.
Pansamantala namang hindi ibinunyag ang mga pangalan ng tatlong presong sangkot sa pagpapasabog ng granada na pawang miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang na kasalukuyang naka-bartolina na ang mga ito.
Ayon kay Bucayu, sasampahan na nila ng kasong murder ang tatlo sa Muntinlupa City Regional Trial Court. Isa sa motibo sa pagpapasabog ay upang hadlangan ang mga repormang ginawa ng BuCor sa loob ng NBP.