MANILA, Philippines – Tatlo-katao na sinasabing sangkot sa bentahan ng iligal na droga ang nalambat ng mga operatiba ng pulisya sa inilatag na magkasunod na anti-illegal drug operations sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon. Sa ulat ng QCPD Station 10, kinilala ang mga suspek na sina Louie Estrenillo, 55, ng Brgy. Pinyahan; Cecile Domingo, 55; ng Sampaloc Manila; at si Andy Angor, 30, ng Brgy. South Triangle, Quezon City.Nadakip ang mga suspek sa follow-up operation ng Station Anti-Illegal Drugs ng PS10 sa pamumuno ni P/Insp. Albert Juanillo.Unang naaresto sina Estrenillo at Domingo matapos na maaktuhan sa pot session sa isang bahay sa Maunlad Street, Brgy. Pinyahan. Nagsasagawa ng surveillance operation ang pulisya laban kay alyas Gerald Kucon nang maaktuhan ang dalawa sa pot session. Nasamsam sa dalawa ang isang plastic sachet ng shabu, aluminum foil at improvised totter na ginagamit sa pot session. Samantala, ganap na alas-10:30 naman ng gabi nang maaresto ng pulisya ang suspek na si Angor sa squatters area sa Scout Tuazon panulukan ng Scout Borromeo, Brgy. South Triangle. Si Angor na ika-5 sa top priority target ng pulisya kaugnay sa pagtutulak ng iligal na droga ay nasakote sa isinagawang buy-bust operation.Nasamsam kay Angor ang isang plastic sachet ng shabu at dalawang piraso ng P100 bill na ginamit na buy-bust money.