‘Tulak’ sa droga, patay sa shootout

MANILA, Philippines – Todas ang isang hinihinalang notoryus na pusher makaraang makipagpalitan ng putok sa mga umaarestong pulis sa ikinasang buy-bust operation, kamakalawa ng hapon sa Navotas City.

Nakilala ang nasawi na si Teofilo Pagtalunan, alyas  Jojo, habang nadakip naman ang kanyang mga kasamahan na sina Stephanie Garcia, 27; Michael Sulit, 43; at Alfredo Dino, 62, pawang mga residente ng Taganahan street, Bagong Bayan, Brgy. North Bay Boulevard South,  ng naturang lungsod.

Sa ulat ni Northern Police District Anti-Illegal Drugs- Special Operations Task Group chief, Chief Insp. Arnulfo Ibañez, nagsagawa sila ng buy-bust operation dakong alas-5:30 ng hapon sa Taganahan street sa naturang barangay katuwang ang mga operatiba ng District Special Operations Unit.

Isinasagawa ang bentahan ng iligal na droga nang makaramdam umano si Pagtalunan sa presensya sa lugar ng mga pulis.  Bumunot ng baril ang suspek at agad na pinaputukan si SPO3 Amadeo Tayag na masuwerteng nakasuot ng bullet­ proof vest. Naglabas ng granada ang suspek kaya dito na pinaputukan ito ng mga pulis dahilan ng agad nitong pagkasawi.  Isinugod naman sa Manila Central University Hospital si Tayag.

Nakumpiska sa grupo ng mga suspek ang walong malilit na plastic sachet at isang mas malaki na naglalaman ng hinihinalang shabu, kalibre .38 baril buhat kay Pagtalunan at isa pang kalibre .38 baril sa posesyon ni Sulit at isang granada.

Nahaharap na ang mga suspek sa paglabag sa kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002,  at illegal possession of firearms and ammunitions. 

Show comments