MANILA, Philippines – Bunsod na rin ng sunud-sunod na kontrobersiya at reklamo na kinakaharap ng Reception and Action Center (RAC) sa ilalim ng Manila Social Welfare Department, iniutos ni Manila Mayor Joseph Estrada na paimbestigahan ang mga opisyal at mga empleyado nito.
Ayon kay Estrada, hindi niya kukunsitihin ang anumang pananakit at pagmamaltrato ng mga nangangasiwa sa mga menor de edad na nasa RAC lalo pa’t nangangailangan pa rin ang mga ito ng kalinga ng kanilang mga magulang.
Sinabi ni Estrada na hihingan niya ng report si MSWD OIC Honey Lacuna-Pangan hinggil sa ilang ulat at para maaksiyunan sa lalong madaling panahon.
Ilan umano sa mga reklamong nakarating kay Estrada ay ang pagmamaltrato sa ilang batang kinuha ng MSWD sa lansangan, at ang paggamit ng balde sa kanilang pag-ihi.
Bagama’t nasa RAC ang mga ito, kailangan pa rin ang tamang disiplina. Kailangan aniyang may gumagabay pa rin sa mga bata kahit na nasa loob ng RAC.
Una nang itinanggi ni Lacuna-Pangan ang mga isyu sa pagsasabing nais lamang na sirain ng Bahay Tuluyan Foundation ang mga tauhan ng MSWD-RAC.
Aniya, ginagawa ng MSWD ang lahat ng paraan upang masagip ang mga batang lansangan at mabigyan ng sapat na ayuda partikular na ang mga solvent boys.
Subalit hanggang sa ngayon ay naglilipana pa rin ang mga solvent boys na kadalasang nasasangkot din sa mga snatching at holdapan.