MANILA, Philippines – Nasa kritikal na kondisyon ang isang ‘Batang Hamog’ matapos mabaril nang tangkaing saksakin ng una ang isang pulis na nakahuli sa kanilang grupo habang binubuksan at pagnanakawan ang isang taxi, kahapon sa Pasay City.
Nilalapatan ng lunas ngayon sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang 14-anyos na si Ronnie Arganda, na nagtamo ng tama ng bala ng kalibre 9mm na baril sa katawan na tumagos sa likuran nito.
Samantala, nakakulong naman sa Pasay City Police detention cell ang lider nitong si Arnel Igne, alyas Onyok, 18.
Sa report na natanggap ni Senior Supt. Sidney Hernia, Officer-In-Charge (OIC), Pasay City Police, naganap ang insidente ala-1:49 ng madaling-araw sa Taft-Arnaiz Avenue ng naturang lungsod.
Nabatid na nakatanggap ng reklamo ang mga pulis mula sa mga motorista hinggil sa modus operandi ng grupo ng ‘Batang Hamog’ sa naturang lugar na siyang naging target ng pagpapatrulya ng pulisya sa may Taft-Arnaiz Avenue ng naturang lungsod.
Dito nila namataan ang grupo ng mga ‘Batang Hamog’ sa pamumuno ni Igne habang binubuksan ng mga ito ang isang nakaparadang taxi.
Dali-daling pinuntahan ng mga pulis ang naturang grupo at habang inaaresto nila ito, tinangka ni Arganda na bumunot ng patalim at tinangkang sasaksakin si PO2 Jessie Bellesta.
Naging maagap naman si PO1 Benigno Aquino kaagad itong nakabunot ng baril at pinaputukan ang binatilyo at nang duguan itong tumumba ay mabilis naman itong dinala sa naturang ospital. Nadakip naman ang lider na si Igne, na nakatakdang sampahan ng kaso.