MANILA, Philippines – Isang bagong laya mula sa Manila City Jail ang nadiskubreng patay sa loob ng nakaparadang tricycle kahapon sa Tondo, Manila.
Kinilala ni SPO4 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Sections ang biktima na si PJ Maizano, 27, miyembro ng Commando gang.
Batay sa ulat dakong alas-4:30 ng madaling-araw, nang madiskubreng patay ang biktima sa loob ng tricycle sa bakanteng lote ng riles ng tren sa PNR Compound sa panulukan ng Maria Guizon at Batangas Sts., Tondo, Maynila.
Bandang 2:30 ng madaling-araw, nang makarinig ng malakas na putok ng baril ang ilang residente sa lugar kung saan natagpuan ang biktima.
Unang inakala na may nagpaputok lamang ng baril, subalit ng mag-umaga ay nakita ang bangkay ng biktima na may tama ng bala sa ulo.
Dinala sa St.Rich Funeral Morgue ang bangkay para sa kaukulang awtopsiya.