MANILA, Philippines – Kritikal ngayon sa pagamutan ang isang mister makaraang barilin sa dibdib ng kanyang kapitbahay na matagal ng kaalitan ng kanilang pamilya sa Pasig City, kahapon ng umaga.
Ang biktima ay kinilalang si Rodolfo Binas, 59, ng Lohen St., Kenneth Road, Nagpayong Brgy. Pinagbuhatan sa lungsod.
Sumasailalim ngayon sa maselang operasyon sa Pasig City General Hospital ang biktima para kunin ang bala ng kalibre 38 baril na nakatanim pa sa kanyang dibdib.
Ang suspek na mabilis na tumakas matapos ang krimen ay nakilalang si Manuel Esponga, 56, kapitbahay ng biktima na ngayon ay pinaghahanap na ng mga awtoridad.
Sa inisyal na imbetigasyon ni SPO2 Randy Aurelia, ng Station Investigation Detection Management Branch (SIDMB) nabatid na dakong alas-8:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa Ocarisa St., Rodmonville Homes Nagpayong Pasig City.
Sinasabing papunta ang biktima sa bahay ng kanyang Kuya Benny, 61, upang dalawin ito, subalit hinarang siya ng suspek at tinutukan ng baril bago pinaputukan sa dibdib.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na dating alitan ang motibo ng pamamaril na una na ring nagkademandahan dahil umano sa away ng kanilang mga anak.