MANILA, Philippines – Isang volunteer ng Bantay Bayan ang natuluyan sa ikalawang pagkakataon nitong pagpapakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa Mandaluyong City, kahapon ng hapon.
Ang biktima na hindi na umabot nang buhay sa Mandaluyong City Medical Center (MCMC) ay nakilalang si Benjamin Espiritu, nakatira sa Countryside, Brgy. Barangka Ibaba sa lungsod.
Nabatid na ang pagpapakamatay ng biktima ay naganap dakong alas-3:00 ng hapon makaraang madiskubre ng kanyang live-in partner na si Erwina Isip, na nakabitin ang biktima sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan.
Ayon kay Isip, umuwi siya sa kanilang bahay galing trabaho nang mapansin nito ang kanilang main gate na nakasara pero nakabukas ang mga ilaw kahit maliwanag pa. Agad na umakyat ng bahay si Isip para patayin ang mga ilaw ngunit laking gulat nito nang makitang nakabigti sa sementadong beam ang kanyang kinakasama gamit ang nylon cord.
Sinabi ni Isip na una na ring nagtangkang magpakamatay ang biktima matapos maglaslas ng kanyang pulso noong nakalipas na taon dahil umano sa depresyon at nararanasang problema sa buhay na hindi naman binanggit kung anong uri ng suliranin.
Samantala, dahil naman umano sa kawalan ng permanenteng trabaho, isang 39-anyos na lalaki ang nagbigti rin sa lungsod Quezon, kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), ang biktima ay nakilalang si Joel Aguinaldo, ng Purok 2, Brgy. Batasan Hills sa lungsod.
Ayon kay PO2 Roldan Cornejo, nadiskubre ang nasawi ng kanyang nanay na si Conchita Aguinaldo habang nakabitin sa tulugan nito, ganap na alas-6 ng umaga.