MANILA, Philippines – Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang isang photographer matapos itong maaresto noong Sabado habang nagpapalipad ng unmanned aerial vehicle o camera-mounted drone sa Roxas Boulevard sa lungsod ng Maynila.
Kamakalawa, dakong alas-10:45 ng gabi ay inanunsyo ni Chief Supt. Wilben Mayor, Chief ng PNP Public Information Office (PNP-PIO) ang pagkakaaresto kay Michael Sy Yu, 35.
Ayon kay Mayor, si Yu ay dinakip matapos mahuling nagpapalipad ng drone malapit sa Diamond Hotel sa panulukan ng Roxas Boulevard at Dr. J. Quintos Street sa Malate, Maynila dakong alas-9:30 ng umaga noong Sabado.
Ito’y sa kabila ng ‘no fly zone policy’ na ipinatutupad kaugnay sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa.
Sinabi ni Mayor na si Yu ay photographer ng Snaps Creative Inc., ay nahuli sa akto ng mga operatiba na nagpapalipad ng drone habang kinukunan ang libu-libong mga deboto sa lugar.
Una nang idineklara ng mga awtoridad ang ‘no fly zone’ sa siyam na lugar na ‘areas of engagement’ ni Pope Francis at kabilang din sa ipinagbabawal ay ang pagpapalipad ng drone na nauna nang ibinabala sa mga television network.
Nasa Diamond Hotel ang media center ng mga reporter na nagkokober sa Papal visit kabilang ang Vatican accredited reporters at mga Vatican Bishops na kasama ni Pope Francis sa pagbisita nito sa bansa.
Samantala, isang nagpakilalang agent ng PDEA ang naaresto rin ng pulisya dahil sa pagbitbit nito ng armas sa lugar na idineklarang firearms free zone ng PNP.
Kinilala ni Mayor ang nasabing PDEA agent na si Sonnyboy Anonnat na may bitbit na 9mm nang inspeksyunin ng mga operatiba ng Manila Police District Traffic Enforcement Unit sa may bahagi ng Pres. Quirino Avenue sa Plaza Dilao, Paco, Manila.
Si Annonat ay nahaharap naman sa paglabag sa firearms law.