Fish porter malubha sa pamamaril

MANILA, Philippines - Malubha ang kondisyon ng isang kargador ng isda makaraang pagtulungang bugbugin at barilin pa sa likod ng tatlong lalaki, kahapon ng madaling araw sa Navotas City.

Isinugod sa Tondo General Hospital ang biktimang nakilalang si Lemmuel Sioson, 19, ng Int. Alpha St., Brgy. Bangkulasi, Tondo, Maynila.

Patuloy pa namang kinikilala ng mga awtoridad ang tatlong salarin na nagawang makatakas makaraan ang krimen.

Sa ulat ng pulisya, katatapos lang sa trabaho at naglalakad na pauwi sa may Int. Alpha Street ang biktima dakong alas-12:50 ng madaling araw nang harangin ng tatlong lalaki at agad na pagtulungang gulpihin ito.

Isa sa mga salarin ang bumaril sa biktima gamit ang isang improvised na baril saka nagsitakas. Agad namang nasaklolohan ang biktima at naisugod sa ospital.

Patuloy namang inaalam ng pulisya ang motibo sa tangkang pamamaslang na posibleng may kinalaman sa trabaho nito.

Show comments