MANILA, Philippines - Nakatakdang tapusin na ngayong umpisa ng taon ang huling bidding process para sa konstruksyon ng bagong gusali ng Caloocan City Hall upang palitan na ang kasalukuyang lumang gusali. Sinabi ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na matapos buksan ang mga bidding documents tulad ng corporate papers, architect’s perspective at floor plans, dalawang bidder na lamang ang natira makaraang umatras o madiskuwalipika naman ang ilan. Matatandaan na inireklamo ni Malapitan ang kalumaan ng kasalukuyang city hall na nasa 60-taon na umano ang edad makaraang makaramdam ng pag-uga sa ikatlong palapag kapag maraming tao ang nagtitipon. Inilaan naman ang isang ektaryang lupain sa pagitan ng 7th at 8th Avenue sa Gracepark, Caloocan City para pagtayuan ng bagong city hall at commercial complex. Bukod dito, plano ring itayo ngayong 2015 ang isang picnic grove para mapasyalan ng mga taga-Caloocan, Sports Complex at isa pang commercial complex.