Trike driver, utas sa kapwa tsuper

MANILA, Philippines – Inutas ang isang tricycle driver ng kapwa niya driver sa Banlat Road, lungsod Quezon kamakalawa.

Ang biktima ay kinilalang si Ricardo Fernandez, 37. Tugis naman ng awtoridad ang suspect na nakilalang si Edward­ Ramos, na ma­bilis na tumakas makaraan ang pamamaril.

Ayon sa ulat ni PO2 George Caculba, nangyari ang insidente sa harap ng Tandang Sora Elementary School na matatagpuan sa kahabaan ng Banlat Road ng nasabing lugar ganap na alas-3:30 ng hapon. Sakay ng kanyang pinapasadang tricycle ang biktima at tinatahak ang nasabing kalye nang humaharurot na sumulpot ang suspect sakay din ng tricycle at nilampasan ang una.

Pagkalampas ng suspect sa biktima ay huminto ito sa harapan ng huli, saka bumaba at pinaputukan ito ng dalawang beses sa balikat saka mabilis na tumakas.

Nagawa pang maisugod ang biktima sa Quezon City Ge­neral Hospital pero idineklara din itong dead in arrival. Hindi pa malinaw kung ano ang motibo sa krimen, habang patuloy pa ang isinasa­gawang imbestigasyon sa insidente.

Show comments