MANILA, Philippines – Muling nagsagawa ng inspeksyon ang grupo ni DOJ Secretary Leila de Lima at mga kongresistang miyembro ng Committee on Justice sa New Bilibid Prisons (NBP), Muntinlupa City kahapon kaugnay sa isinusulong na modernisasyon sa naturang bilangguan.??
Alas-9:00 kahapon ng umaga nagsimulang mag-inspection ang mga awtoridad sa buong Maximum Security Compound ng NBP.
Partikular na sinuri nina De Lima at ng mga mambabatas sa pangunguna ni Iloilo Representative Neil Tupas; Congressman Samuel Pagdilao; operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI); SWAT Team; mga prison guard at kasama ang grupo ng mga mamamahayag ang mga kulungan ng 13 gang dito..
Nabatid, na kabilang sa isinailalim sa inspection ang grupo ng Commando, Sigue Sigue Sputnik gang, Genuine Ilocano, Batang City Jail, Batang Mindanao, Batman at iba pa.??
Pinuntahan din ang mga kubol at ang pinangyarihan ng pagsabog na ikinasawi ng isang preso at ikinasugat ng 20 iba pa.??
Ipinakita rin ng mga awtoridad sa mga mamamahayag ang sangkaterbang nasamsam na mga cellphone, baril, patalim at appliances tulad ng TV, refrigerator, oven, stereo, computer at iba pa.??
Sinabi ni Tupas, layunin nang inspection, na malaman ang mga dapat pang pagbabago sa mga bilangguan partikular sa NBP sa harap ng nalalapit na pagpapatupad ng BuCor Modernization Act.??
Hanggang sa ngayon ay ipinagbabawal pa rin ang dalaw sa NBP, kung kaya’t maraming mga kaanak ng mga preso ang nakaabang lang sa labas ng naturang kulungan.