Kelot itinumba dahil sa droga

MANILA, Philippines – Bulagta ang isang lalaki makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang suspect lulan ng motorsiklo kamakalawa ng hapon sa Navotas City.

Nakilala ang biktima na si Danilo Garganta, 36, ng Champaca St., Brgy. San Roque ng nasabing lungsod sanhi ng tinamong  limang tama ng  bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Narekober sa bulsa nito ang isang plastic sachet na nag­lalaman ng pinaniniwalaang shabu  at limang basyo ng bala.

Batay sa ulat ni PO3 Ronnie Garan, ng Navotas City Police, naganap ang insidente alas-2:30 ng hapon  sa kahabaan ng Kapalaran Uno, Brgy. San Roque ng nasabing siyudad.

Nabatid na naglalakad ang biktima sa nasabing lugar, nang tabihan ito ng isang motorsiklo na walang plaka at  walang sabi-sabing pinagbabaril na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang pamamaril  ay mabilis na tumakas ang suspek at iniwang naka­bulagta, duguan at walang buhay ang biktima.

Patuloy ang isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kung may kinalaman sa  onsehan sa droga  ang motibo sa nasabing insidente.

Show comments