MANILA, Philippines – Walang plano ang Philippine National Police (PNP) na pamarisan ang ideya ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na pagsuutin ng diaper ang kanilang mga constable kaugnay ng pagbibigay seguridad sa Papal visit sa susunod na mga araw.
Si Pope Francis ay bibisita sa bansa mula Enero 15 hanggang 19 ng taong ito kung saan kabilang sa mga venue na tutunguhin nito ay ang ilang lugar sa lungsod ng Maynila at maging sa Palo at Tacloban City, Leyte.
Sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, Chief ng PNP Public Information Office (PNP-PIO), hindi naging ‘standard policy’ ng PNP na magsuot ng diaper ang mga pulis sa mga espesyal na okasyong babad ang mga ito sa kanilang duty.
“Though siguro yung iba naman pwede personally who wish na gumamit nun (diaper), to use that then pwede naman yun but hindi naman talagang naging standard policy sa PNP na pag ganitong situation is gagamit tayo ng ganun,” pahayag ni Mayor.
Una rito, umani ng iba’t ibang reaksyon ang inianunsyo ng MMDA Chairman na upang hindi na umalis sa kanilang puwesto ang kanilang mga constable ay pagsusuutin ang mga ito ng adult diaper.
“Hindi namin napag-uusapan (meeting) ang pagsusuot ng diaper (adult), ang mga pulis natin ay na-train naman sa ganitong sitwasyon,” pahayag ni Mayor.
Nasa full alert na ang PNP na katumbas ng red alert ng AFP kung saan magdedeploy ng 42,000 security forces upang tiyakin ang seguridad sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa.