MANILA, Philippines – Patay ang isang 63-anyos na technician makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang ang una ay sakay ng kanyang van kasama ang ihahatid na apo sa eskuwelahan kahapon ng umaga sa Quezon City.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District Station 3, ang biktima ay nakilalang si Reynaldo Gile, ng Nova 2 Subdivision, Brgy. San Bartolome sa lungsod.
Agad namang tumakas ang mga salarin na kapwa nakasuot ng helmet makaraan ang isinagawang krimen.
Nangyari ang insidente dakong alas-6:35 ng umaga sa may kahabaan ng nasabing highway kanto ng San Francisco St., Brgy. San Bartolome sa Novaliches sa lungsod.
Ayon sa ulat, minamaneho ng biktima ang isang L-300 van (RJL-776), kasama ang 13-anyos na apo para ihatid ito sa eskuwela bago siya pumasok sa opisina nang biglang pagbabarilin ito ng mga suspect na sakay ng isang motorsiklo.
Nagtamo ang biktima ng apat na tama ng bala sa katawan na agad na ikinamatay nito.
Narekober naman sa lugar ang anim na basyo ng kalibre 9mm na baril.
Masuwerte namang hindi nasugatan ang kasama nitong apo. Blangko naman ang asawa ng biktima sa motibo sa krimen lalo’t wala umano itong kaaway.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito, habang sisiyasatin din kung nahagip ng CCTV ang insidente.