MANILA, Philippines - Nabiktima ng mga kilabot na holdaper na “riding-in-tandem” ang isang babaeng Hongkong national na masuwerteng nakaligtas sa kamatayan nang hindi tamaan ng balang ipinutok sa kanya ng mga salarin, kahapon ng hapon sa Caloocan City.
Isinugod at agad rin namang nakalabas sa Manila Central University (MCU) makaraang lapatan ng lunas ang tinamong sugat sa ulo at magkabilang-balikat ang biktimang nakilalang si Michelle Taguta y Liang, 25-anyos, dalaga, HK national, estudyante ng University of Sto. Tomas (UST) at nanunuluyan sa Tandang Sora St., Bagong Barrio, naturang lungsod.
Sa imbestigasyon ni PO3 Rommel Bautista, ng Caloocan Police, hinihintay ng biktima ang kaibigan nito buhat sa PAWS (Philippine Animal Welfare Society) sa may EDSA, Bagong Barrio dakong ala-1 ng hapon nang biglang hintuan siya ng dalawang salarin na magkaangkas sa motorsiklo.
Agad na hinablot ng tandem ang kanyang bag ngunit nanlaban ang biktima. Dito pinukpok ng baril ng mga holdaper sa magkabilang balikat at sa ulo si Taguta upang mabitiwan nito ang bag na naglalaman ng kanyang cellular phone, P1,500 cash at mga dokumento.
Bago tuluyang tumakas, pinaputukan pa umano ng holdaper si Taguta na masuwerteng hindi tinamaan. Agad namang sinaklolohan ng mga nakasaksi ang biktima at isinugod sa pagamutan.
Ayon kay Taguta, magtutungo sana sila ng hinihintay na kaibigan sa isang bayan sa Bulacan upang iligtas ang isang aso na minamaltrato ng amo na bahagi ng kampanya ng PAWS.