MANILA, Philippines - Ipinag-utos kahapon nI Justice Secretary Leila de Lima ang pagbartolina sa may 12 gang leaders makaraan ang pagsabog na naganap sa loob ng maximum security compound ng New Bilibid Prison kamakalawa.
Ayon kay De Lima kailangan na munang i-isolate ang mga gang leaders dahil ang mga ito ang siyang sinusunod ng kanilang mga kasamahan sa kulungan.
Kailangan aniya na mabigyan ng disciplinary actions ang mga ito dahil mas lalong binabaon ng mga ito sa kontrobersiya ang Bureau of Corrections.
Malaking kuwestiyon din kay De Lima ang uri ng bomba na ginagamit. Nangangahulugan lamang umano na may mga nakatago pang mga armas sa loob ng piitan.
Matatandaang napasugod si De Lima at ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Bilibid matapos sumabog ang isang granada kamakalawa.
Itinuturing din ni Secretary De Lima na diversionary tactics ang pagsabog at posibleng nais lamang na lituhin ng mga responsable dito ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa mga kinasasangkutan ngayon sa BuCor.
Sinabi ni De Lima na marami silang sinisilip na posibilidad at seryoso nilang sinusuri ang bawat aspeto ng pangyayari.
Magugunitang nasawi sa naturang pagsabog ang preso na si Jojo Sampo ng Commando gang.
Maliban dito, may 19 na iba pa nasugatan. Magugunitang ilang ulit nang ni-raid ang NBP, ngunit sa bawat pagsalakay ng DoJ at NBI ay tambak ng mga kontrabando ang kanilang nakukuha.
Kahapon ay muling nakasamsam ng matataas na kalibre ng baril, pampasabog, bala, sumpak, patalim, aircon units, flat screen TV, computer, refrigerator at DVD players.
Samantala, sinuspinde rin pansamantala n g BuCor ang visiting hour o privileges sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.