MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na pagsusuutin niya ng diaper ang nasa mahigit 2,000 mga tauhan na ipapakalat sa Maynila para tumulong sa gagawing traslacion ng imahe ng Itim na Nazareno bukas (Enero 9), araw ng Biyernes para hindi aniya umalis ng pwesto sakaling tawagin ng pangangailangan.
Bukod sa tutulong sa traslacion, ayon kay Tolentino, ang pangunahing trabaho ng kanilang mga tauhan ay upang maglinis kasunod ng prusisyon na isasagawa pag-alis ng karosa ng imahe ng Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand.
Nabatid na nakapagtayo na ang MMDA ng satellite office, na may maiiwang tauhang maglilinis din doon.
Nabatid pa sa MMDA, na may mga rescue team din sila na susunod sa traslacion bukod pa sa mga ipupuwesto rin sa Pasig River.
Ayon kay Tolentino na pagsusutin na lamang nila ng diaper ang kanilang mga tauhan para hindi paalis-alis sa pwesto upang magtungo sa mga comfort room.
Maging ang mga mamamahayag na magko-cover ng naturang pagdiriwang ay padadalhan niya nang susuuting diaper.
Payo ng MMDA sa mga motorista, na umiwas ang mga ito sa mga rutang dadaanan ng traslacion upang hindi maabala lalo’t foot traffic ang mangyayari at mahaba.