MANILA, Philippines – Bagong panuntunan ang ipapatupad ng pamunuan ng New Bilibid Prisons (NBP) sa pagbisita ng mga kaanak ng mga bilanggo.
Ayon kay NBP Superintendent Richard Schwarzkopf Jr., binubuo na nila ang bagong proseso sa mga bisita at nakatakda nila itong ipatupad sa susunod na buwan.
Sinabi pa nito na kabilang sa kanilang mga ilalatag na reporma ay ang pagkakaroon ng limitasyon sa bilang ng mga dumadalaw kada araw para mabawasan ang haba ng pila, pagkakaroon ng iskedyul ng dalaw, at mas mahigpit na pagsala sa mga gamit ng mga dadalaw sa kanilang pagpasok at paglabas ng nasabing piitan.
Dagdag pa niya na ipapaalam niya sa mga inmates na kanila nang ipagpapabawal ang pagsama ng mga anak sa oras ng dalaw upang maiwasan ang anumang insidente. Bukod pa rito aniya, ang kanilang gagawin pagbabago sa piitan ay kasunod na rin ng natuklasang iregularidad sa NBP kung saan nakakapagpasok ng kontrabando sa kulungan.
Sa ngayon aniya umaabot sa 3,000 hanggang 4,000 ang bumibisita kada araw sa NBP, kung saan may 22,000 na inmates ang nakakulong dito.