TODA prexy tinodas sa Parola

Mismong sa pinapasadang tricycle bumulagta ang biktimang si Eugene Jacinto, Pa­ngulo ng TODA makaraang barilin ng isa sa dalawa niyang pasahero, kahapon sa Tondo, Maynila. (Kuha ni Ernie Peñaredondo)

MANILA, Philippines – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang Presidente ng Tricycle Operators Driver’s Association  ng  isa sa kanyang mga pasahero,  kahapon ng umaga sa  Tondo, Maynila.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Eugene Jacinto,  55, Pangulo ng Asuncion Sucor Parola Tondo Tricycle Operators Driver’s Association (ASPTTODA) at residente  ng  Gate 7 Area A Parola Compound, Tondo.

Inaalam naman ng pulisya ang pagkakakilanlan sa dalawang suspek na armado ng  .45 cal. na baril   na mabilis na tumakas matapos ang  pamamaslang.

Sa imbestigasyon ni SPO4 Jonathan Bautista ng MPD- Homicide Section, alas-7:45 ng umaga kahapon nang maganap ang nasabing pamamaslang sa Gate 1 ng Parola Compound sa Tondo.

Pumapasada si Jacinto, nang may pumarang dalawang lalaki at  nagpanggap na mga pasahero, habang sakay isa sa mga ito ang naglabas ng baril at pinagbabaril ang biktima.

Pagdidispalko umano ng pondo  ng samahan ng mga tricycle driver ang isa sa anggulong binubusisi  ng pulisya. Dahilan din ito kung bakit ang ilan umano sa miyembro nito ay ayaw na sa kanyang pamamalakad.

Napag-alaman pa sa mga awtoridad na dati na umanong naging pangalawang pangulo ng samahan at naging secretary din umano ang biktima, bago nahalal na presidente. Gayunman, patuloy ang imbestigasyon  kung ano pa ang maaaring naging dahilan, kung bakit pinaslang si Jacinto. Pansamantalang inilagak sa St.Rich Funeral  ang  bangkay ng  biktima para sa kaukulang awtopsiya.

Show comments