MANILA, Philippines – Isa na namang sunog ang sumiklab sa bahagi ng Quezon City na lumamon ng may siyam na bahay at puminsala ng halagang P200,000, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, sa lungsod, naganap ang sunog sa may Anak Bayan St., Bgy. Paltok, ganap na ala-1:20 ng madaling-araw.
Nagsimula ang sunog sa may inookopahang bahay ng isang Jimmy Lana, 60 na umano’y gumagamit ng kandila dahil sa walang kuryente.
Dahil gawa lamang sa light materials ang bahay, mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa tuluyang madamay ang kalapit bahay nito.
Mabilis naman ang responde ng mga pamatay sunog kung kaya agad din itong naapula ganap na alas-2:15 ng madaling araw.
Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa sunog, habang aabot sa 11 pamilya ang naapektuhan nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.