MANILA, Philippines – Nagpaalala na ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga deboto ng itim na Nazareno at maging sa mga dadagsa sa pagbisita ni Pope Francis sa Maynila na iwasan ang pagtatapon ng basura upang hindi maging kahiya-hiya ang bansa sa mundo.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na inaasahan na naman nila ang pagdagsa ng milyon-milyong deboto sa Pista ng Itim na Nazareno at mga problema sa santambak ng basura na kanilang iiwan.
Noong nakaraang taon, nasa 336 tonelada o katumbas na 28 trak ng basura ang kanilang nakolekta sa mga ruta na dinaanan ng prusisyon sa Maynila.
Tulad rin ng nakaraang Pista, ipatutupad ng MMDA ang pagsunod ng kanilang mga streetsweeper sa dulo ng prusisyon upang agad na walisin ang mga basurang iniiwan ng mga deboto na karamihan ay mga bote ng tubig, pabalat ng pagkain, plastik at iba pa.
Ngunit sa pagbisita naman ng Santo Papa, sinabi ni Tolentino na hindi nila magagawa ang naturang sistema tulad ng sa Pista. Kailangan na lamang umano ng ibayong disiplina ng mga mananampalataya para hindi malagay sa kahihiyan ang bansa sa mata ng ibang nasyon.
Ilan sa mga pampublikong lugar na pupuntahan ni Pope Francis ang Manila Cathedral at Rizal Park sa Maynila at Mall of Asia Arena sa Pasay City.