Fastfood hinoldap

Sinisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Ope­ratives ang fastfood chain na nilooban ng pitong kalalakihan kahapon ng umaga. (Kuha ni Boy Santos)

MANILA, Philippines – Isang sikat na fast food chain ang nabuena manong holdapin ng pitong armadong lalaki at natangay ang aabot sa P100,000 halaga ng salapi, at gamit ng mga customer at kawani nito sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.

Sa ulat ni P/Insp. Vicente Tayo ng Kamuning Police Station 10, ang hinoldap na fastfood ay ang Kenny Rogers Restaurant  sa kanto ng Quezon Ave. at Scout Albano, sa lungsod­ na naganap alas-7 ng umaga.

Bago ito, pitong lalaki ang pumasok sa nasabing ka­inan at nagkunwaring mga customer kung saan umorder pa ang mga ito ng pagkain.

Ilang sandali, bigla na lamang nagbunot ng baril ang naturang mga kalalakihan saka nagdeklara ng holdap, bago dinis-armahan ang guwardiya nito.

Kasunod nito, agad na tinutukan ng isa sa mga suspect ang kahera habang pinadapa naman ng kasama nito ang ilang mga customer, saka iginapos ang mga kawani, bago tuluyang kinuha ang pera at mga gamit ng mga ito.

Nang makuha ang kanilang pakay, mabilis na tumakas ang mga suspect, gamit ang motorsiklo.

Patuloy ang follow-up operation ng otoridad sa nasabing insidente na itinuring na kauna-unahang pangyayari nga­yong taong 2015.

Show comments