MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P3 milyon halaga ng ari-arian ang naabo matapos masunog ang bodega ng tiles at furniture dahil sa paputok kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Sa pagsisiyasat ni Senior Fire Officer 1 Segundino Comon ng Arson Investigation Division ng Makati City Fire Department, naganap ang insidente bandang alas-11 ng gabi sa #2246 Living and Style Building sa Don Chino Roces Avenue (dating Pasong Tamo) sa Barangay Bangkal.
Nabatid na biglang sumiklab ang likurang bahagi ng naturang gusali na may dalawang palapag at nagmula ang apoy sa bahagi ng canteen.
Ayon sa nakatalagang security guard na si Renato Cornejas, may pumasok umanong paputok sa naturang gusali na naging sanhi ng sunog.
Tumagal ng tatlong oras ang sunog bago ito naapula habang patuloy naman ang imbestigasyon. (Lordeth Bonilla)