Batok ng sekyu tinagpas ng obrero

MANILA, Philippines – Halos lumaylay ang  ulo ng isang  security guard nang tagpasin  ng isang construction worker ang leeg nito, matapos umanong sawayin ng una sa inuman  ang huli sa cons­truction site sa Sta. Cruz, iniulat ng pulisya.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH), ang biktimang si Ardy Fernandez, ng  Michael Lo Building sa  938 Espeleta St. Sta.Cruz, Manila.

Agad namang nadakip ang suspek na si Rosendo Estellore, 37, tubong-Nabangga, Bohol, nang magsagawa ng follow-up ope­ration ang mga tauhan ni P/Supt. Aldrine Gran, Station Commander ng Manila Police District-Sta. Cruz Police Station 3.

Batay sa ulat ni  SPO4 Armando Licayan, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng hapon matapos sawayin at pagbawalan ng biktima ang suspek at iba pang kasama nitong construction worker na huwag mag-inuman sa loob ng ginagawa nilang gusali.

Pansamantalang  umalis ang suspek  at pagkaraan ng  ilang minuto ay bumalik ito at walang sabi-sabing  tinaga sa batok ang nasabing sekyu.

Mabilis na tumakas ang  suspek subalit hindi naman nag-aksaya ng panahon ang tauhan ni  Gran at naaresto si Estellore.

Show comments