MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Bureau of Fire Protection at pamahalaang lungsod ng Valenzuela sa mga residente na ugaliing maghanda ng tubig sa gabi ng putukan sa pagsalubong sa Bagong Taon upang maiwasan ang posibleng insidente ng mga sunog.
Pinayuhan din ang mga residente na sa labas lamang ng bahay magsindi ng paputok. Ipinaalala rin ng BFP na mga may “label” na paputok lamang ang bilhin at hindi ang mga walang label na maaaring “substandard” at dahilan pa ng mga aksidente kapag sinindihan.
Una namang sinabi ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela na walang nailatag na “common firecracker zones” sa kanilang lungsod ngunit nakaalerto umano naman ang kanilang BFP sa pagresponde sa anumang insidente ng sunog.
Sa pagsalubong sa Bagong Taon, sinabi ni Mayor Rex Gatchalian na magtutuluy-tuloy umano ang pagtatayo ng mga bagong paaralan at establisimiyento sa taong 2015 bilang bahagi ng modernisasyon ng lungsod.
Nauna nang naitayo ang Valenzuela School of Mathematics and Science Institute, ALERT Center na magiging utak sa pagresponde sa kalamidad at nasa loob ang bagong Central Fire Station, Red Cross Volunteer Center at VC Tent na magagmit bilang relief center.