MANILA, Philippines - Nasa labing-dalawang mga paslit na ang naiiulat na nasabugan ng paputok sa lungsod ng Caloocan bago pa man sumapit ang Bagong Taon.
Sa datos buhat sa Caloocan City Medical Center, pinakahuling naputukan ang isang bata na gumamit ng ipinagbabawal na piccolo. Sa 12 naputukan, 11 sa mga ito ay mga batang lalaki habang isa lamang ang batang babae.
Ang naturang datos ay buhat nitong Disyembre 24 at inaasahan pang aakyat habang lalong papalapit ang Bagong Taon.
Samantala, sinabi ni Navotas Public Information Officer Jane Banayad na nagtalaga na si Navotas City Mayor John Ray Tiangco ng mga firecracker zones sa bawat barangay at nagpaskil na sila ng mga signages para sa kaalaman ng kanilang mga residente.
Bukod dito, nagpaikot na umano ang pamahalaang lungsod ng mga mobile information system habang pinalakas ang text blast at pagpapakalat ng impormasyon sa mga social networking sites ukol dito.
Layon umano nito na mapababa ang bilang ng mga napuputukan sa lungsod. Patuloy namang kumakalap pa ang lokal na pamahalaan ng datos sa mga posibleng mapuputukan hanggang sa pagtatapos ang taon.
Sinabi naman ni Ahna Mejia ng Valenzuela City Public Information Office na ang Bureau of Fire Protection-Valenzuela ang pangunahing nagsasagawa ng kampanya sa isyu ng paputok habang katuwang lamang ang pamahalaang lungsod. Wala naman umanong naitalagang “common firecracker zones” sa lungsod.