Tricycle driver itinumba

MANILA, Philippines – Utas ang isang  tricycle driver makaraang pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek na may kinalaman umano sa illegal na   droga kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Dead-on-the-spot sanhi ng mga tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Ciriaco Badal Jr., 38, ng Phase 7A, Package 10, Brgy. 176 Bagong Silang ng nasabing lungsod.

Ayon sa pagsisiyasat nina P03s Alcee Jomaquio at Rhyan Rodriguez, ng Caloocan City Police, alas-6:00 ng gabi nang matagpuan ang biktima na duguan at wala ng buhay sa loob ng kanyang bahay sa naturang lugar.

Sa pagresponde ng mga pulis ay nakuha sa tabi nito ang dalawang basyo ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Base sa nakalap na impormasyon ng pulisya sa ilang hindi nagpakilalang residente, sangkot umano sa operasyon ng droga ang biktima kaya’t may hinala ang pulisya na ito ang motibo sa krimen.

Nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente.

Show comments