MANILA, Philippines - Nauwi sa madugong insidente ang masayang selebrasyon ng Noche Buena ng magkakapitbahay nang mag-asaran diumano habang mga lasing na at magtalu-talo hanggang sa saksakin ang isang 28-anyos na lalaki ng isang welder sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Dead-on-arrival sa Sta. Ana Hospital ang-biktimang si Jay-R Bautista, residente ng Oro-B, Sta. Ana, Manila sanhi ng tinamong saksak sa kaliwang dibdib. Arestado naman ang suspek na kinilalang si Ryan Flores, 24, ng nasabi ring lugar. Narekober sa kaniya nina PO2 Henry Imam at PO1 Efren Sabulao Jr. ang kutsilyo na may 10 pulgada ang haba na ginamit sa pananaksak.
Sa ulat ni SPO2 Milbert Balinggan ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-2:00 ng madaling araw ng Disyembre 25, sa labas ng bahay ng biktima at suspek.
Nabatid na masayang nagkakasiyahan ang mga magkakapitbahay sa lugar habang nasa magkabilang mesa ang grupo ng biktima at grupo ng suspek na nagkainitan. Nagkapikunan at nagbatuhan ang magkabilang grupo at nauwi pa sa labu-labo hanggang sa tumigil lamang nang may bumulagta na sa kanila. Nakapiit sa MPD Homicide detention cell ang suspek habang inihahanda ang kasong homicide.