Hindi na nakadalo sa family reunion, UP-PGH police binoga sa ulo

Ang binaril at napatay na UP-PGH police na humandusay sa ilalim ng LRT Station sa Pedro Gil  sa Maynila kahapon ng umaga. (Kuha BERNARDO BATUIGAS)

MANILA, Philippines - Hindi na nakadalo pa sa reunion ng kanilang pamilya ang isang 40-anyos na miyembro ng University of the Philippines-Philippine Gene­ral Hospital (UP-PGH)  Police nang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin, habang naglalakad patungo sa Light Rail Transit (LRT) sa Pedro Gil Station sa Taft Avenue, Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.

Duguang sumubsob sa bangketa ang biktimang nakilalang si Corporal Felipe Delos Reyes, Jr., super­visor ng UP-PGH Police at residente ng Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan, matapos ba­rilin ng hindi nakikilalang suspect na  nakasuot ng bull cap, puting long sleeve shirt, nasa 5’4’’ ang taas at katamtaman ang pangangatawan.

Sa ulat ni PO2 Bernardo Cayabyab ng Manila Police District-Homicide section, na­ganap ang insidente dakong alas-6:30 ng umaga ng Disyembre 25, sa harap ng Plaza Pedro, Taft Ave., malapit sa panulukan ng Pedro Gil St., sa tabi lamang ng hagdanan ng LRT Pedro Gil station.

Naglalakad ang biktima nang barilin mula sa likod ng suspect na ikinasubsob nito.

Nagtatakbo lamang ang suspek matapos ang pa­ma­maril. Tinangka naman itong habulin ng mga nakakita subalit nang makita ang bitbit na baril ay hindi na umano nagpursige na habulin pa ito ng taumbayan.

Ayon sa mga kapatid at ina ng biktima, kahapon ang nakatakdang reunion nila sa Bulacan, kasama ang mga pami-pamilya ng magkaka­patid na Delos Reyes.

Night shift umano ang duty ng biktima, na nagkataong hindi umano dinala ang sa­sakyan kaya naglakad lamang patungo sa LRT upang sunduin ang dalawang anak na babae, na may edad 12 at 14, habang ang misis nito ay nasa abroad bilang overseas Filipino worker (OFW).

“Ang tagal naming pinagplanuhan ang family reunion ngayong Pasko, kadarating lang din ng mga ate ko at hini­­hintay namin sila dahil susunduin pa ni Kuya (biktima) yung mga anak niya bago tumuloy sa reunion,” anang kapatid na lalaki ng biktima.

 

Show comments