MANILA, Philippines – Pormal nang binuksan nina Manila Mayor Joseph Estrada at Vice Mayor Isko Moreno ang Manila Dialysis Center sa Gat Andres Bonifacio Memorial and Medical Center kung saan nagsimula na ring bigyan ng ayuda ang may 28 pasyente rito.
Ayon kay Estrada, ang MDC ang makatutulong sa mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis na gumaling sa tulong ng city government. Aniya, posibleng gumaling o madugtungan ang buhay ng mga pasyente na matagal nang nahihirapan sa kanilang sakit bunsod ng mahal na pagpapagamot.
Giit ni Estrada, ang lahat ng mga mahihirap na Manilenyo ay walang anumang babayaran sa pagpapa-dialysis.
Pinaalalahanan din ni Estrada ang lahat ng mga hospital director na tiyaking walang sinisingil sa mga may orange card na pasyente
Sinabi naman ni GABMMC at MDC Director Luisa Aquino na target ni Estrada na magkaroon ng 60 dialysis machine sa July 2015. Sa ngayon aniya ang ratio ay 1:9 o isang machine sa bawat siyam na pasyente ang nangyayari.
Pinayuhan naman ni Moreno ang mga Manilenyo na huwag sayangin ang orange card at magpatingin sa health center at sa anim na ospital ng lungsod kung may nararamdamang sakit.
Nilinaw din ito na ang orange card ay iniisyu sa bawat pamilya. Ang sinumang miyembro ng pamilya ay maaaring gumamit ng orange card sa sandaling maibigay ng Manila Social Welfare Department.
Ang orange card ay binibigay ng MSWD sa pamumuno ni Dr. Honey Lacuna-Pangan matapos na sumailalim sa evaluation.
Samantala, pinabulaanan ni Lacuna-Pangan ang isyu na hindi na sila mag-iisyu ng orange card. Aniya, tuluy-tuloy pa rin ang pag-iisyu nito hangga’t may aplikante.