MANILA, Philippines – Muling nagpatupad ng big time rollback sa presyo ng produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis, epektibo ngayong araw na ito (Disyembre 21).
Ang naturang big time rollback ay pinangunahan ng Petron, Shell, Caltex, Phoenix at Eastern Petroleum.
Sa Petron, bumababa ang presyo ng kanilang gasoline sa P1.10 kada litro, P1.35 sa diesel o krudo at ang kerosene ay nasa P1.40, epektibo ito alas-12:01 ng madaling-araw.
Ang Shell at Caltex naman ay may kahalintulad ng halaga at epektibo ang pagpapatupad nito ala-1:00 ng madaling-araw.
Pareho rin ang halaga ng rollback sa Phoenix, na alas-6:00 naman ang epektibo nang pagpapatupad nito, samantalang sa Eastern Petroleum ay nasa P1.10 sa gasolina at ang diesel naman ay nasa P1.30 ang ibinaba epektibo ito alas-12:01 ng madaling-araw.
Maituturing itong big time rollback dahil malaki ang presyo nang ibinababa ng gasolina at krudo kaya’t isang magandang Pamasko ito sa publiko lalo na sa mga motorista.
Ang naturang rollback ay bunsod sa paggalaw ng presyo sa pandaigdigang pamilihan. Noong nakaraang linggo ay nagpatupad na ng rollback ang ilang oil companies sa kanilang mga produkto.