MANILA, Philippines – Sinimulan na ni Manila 3rd District Councilor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang pagsasagawa ng film showing sa iba’t ibang barangay sa lungsod.
Ayon kay Nieto, layunin ng film showing na maipanood ang magagandang mga pelikulang Pilipino sa mga kabataan bukod pa sa layuning mabigyan ng mapaglilibangan.
Bilang Chairman ng Committee on Arts and Culture ng City Council, nais din aniyang makaimpluwensiya ang mga pelikula sa mga kabataan na lumikha ng mga kuwentong nagsasalamin sa ordinaryong pamumuhay.
Sinabi ni Nieto na maraming Manilenyo ang may mga talento sa paggawa ng mga kuwento o scriptwriting na maaaring maging daan para sa kanilang tagumpay.
Kabilang sa mga pelikula ni Nieto na ipinalabas ay ang Naglalayag, Magnifico at Kamoteng Kahoy.