MANILA, Philippines – Naaresto ng mga tauhan ng Plaza Miranda PCP ng Manila Police District ang isa sa mga sinasabing supplier ng Cytotec sa Quiapo, Maynila.
Kinilala ni Plaza Miranda PCP chief, Insp. Rommel Anicete ang suspek na si Nimfa Manecio,33 ng Bgy. Batia, Sta. Maria Bulacan.
Sa imbestigasyon, alas 5 ng hapon ng Nobyembre 24 nang isagawa ang buy bust operation kay Manecio.
Nagpanggap na poseur buyer ang pulis na si PO1 Reynaldo Fortaliza at nakipagtransact sa suspek. Unang humingi ng 100 piraso ng cytotec si Fortaliza sa suspek subalit 56 lamang ang dala nito.
Nang magkasundo si Fortaliza at suspek na bilhin ang 56 Cytotec, agad na binigay ng una ng mark money na hudyat para arestuhin ang suspek.
Agad na hinawakan ng isa pang pulis na si PO2 Joseph Ryan Talaguit ang suspek at binasahan ng Miranda rights.
Sinabi ni Anicete na ang suspek ang nagsusupply ng nasabing tablet sa mga vendor na nag-aalok din ng pampalaglag.
Sasampahan ng paglabag sa R.A. 9711 o Food, Drugs Devices & Cosmetic Act ang suspek.