MANILA, Philippines - May nakahandang planong forced evacuation ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga naninirahan malapit sa Manila Bay na posibleng tamaan ng storm surge dala ng bagyong Ruby.
Ito’y kung sakaling hindi magbabago ang direksyong tinatahak ng bagyo na pinangangambahang magdudulot din ng epekto sa Metro Manila sa mga susunod na araw.
Sinabi ni Manila Disaster Risk Reduction and Management Office Director Johnny Yu, nakipagpulong na siya sa mga barangay chairman na nakasasakop sa coastal area ng Parola, Baseco at Happyland para sa ipatutupad na preemptive evacuation.
Katunayan aniya, 24-oras na operational ang kanilang command center at inabisuhan na rin nila ang kanilang mga rescue team na manatili sa mga istratehikong lugar.
Bagamat idedeklarang “no man’s land” ang Roxas Boulevard at España sa sandaling maramdaman ang hagupit ng bagyong Ruby, sinabi ni Yu na maglalagay pa rin sila roon ng mga standby truck na reresponde sa mga tao na makikitang naglalakad sa nabanggit na mga lansangan.
Samantala, nakapwesto na rin sa labas ng mga evacuation center partikular na sa Delpan, Tondo, ang mga rescue equipment gaya ng mga rubber boat at bangkang de-motor na gagamitin sa pagresponde sa mga residenteng maiipit sa baha. (Ludy Bermudo)