MANILA, Philippines - Nilinaw ng Manila Police District (MPD) na walang lumulutang upang magharap ng reklamo ng kidnapping o abduction kundi isang snatching incident lamang, na maiuugnay sa patungkol sa isang kulay puti na Nissan Urvan na nag-iikot sa Quiapo, Maynila noong Nobyembre 27 at umano’y tinangkang dukutin ang may limang high school student.
Bilang tugon sa nai-ere sa isang television network noong Disyembre 2, nagsagawa ng imbestigasyon at follow-up operation ang tanggapan ni C/Insp. Francisco Vargas, hepe ng MPD-Anti-Carnapping and Hijacking Section.
Sa beripikasyon mula sa Land Transportation Office (LTO) natunton ang address na nagmamay-ari ng Nissan Urvan na may plakang WOW 232 na si Joeberth Ricarte, 34, isang overseas Filipino worker (OFW), ng Silang, Cavite. Nakarehistro ang nasabing sasakyan sa ina nitong si Dioly Ricarte, 54, residente rin ng nasabing subdivision. Kahapon ay kusang isinuko ni Ricarte ang naturang sasakyan at umamin na nagulat siya sa napanood na nagsasangkot sa kanyang sasakyan sa pagdukot sa mga bata.
Paglilinaw niya, ipinahiram lamang niya sa kaibigang si Ronnel Millares ang van, na ipinakiusap din umano ng isang Melanio Labarda III na aarkilahin . Nagsilbing driver umano si Millares habang ang pamilya Labarda umano ang sakay upang magsimba sa Quiapo.
Gayunman, sina Millares at Labarda ay hindi matagpuan sa follow-up operation sa General Mariano Alvarez at sa Silang, Cavite.
Patuloy pang iimbestigahan ang insidente subalit kahit umano matukoy ang itinuturong may dala ng sasakyang nabanggit na nakunan sa closed circuit television (CCTV) ng Barangay 393 Zone 40, ay wala namang kasong abduction o kidnapping na maaring isampa, maliban sa sinasabing snatching.
Sa reklamo ng biktimang si Nicole Jay, 15 anyos, inagawan siya ng bag, habang kasama ang 4 na kaklase, ng dalawang lalaking sakay ng Nissan Urvan na nabanggit.