MANILA, Philippines – Kulungan ang binagsakan ng isang 60-anyos na lolo makaraang masakote ng pulisya sa ikinasang drug operasyon sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Valenzuela City Police chief, Senior Supt. Rhoderick Armamento ang nadakip na si Bonifacio Salison, alyas Boni, may-asawa, at naninirahan sa Bldg. 30A Unit 1 Disiplina Village, Brgy. Ugong, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Station Anti-Illegal Drugs unit, nagsasagawa ang kanilang mga tauhan ng surveillance operation sa may Lamesa Street, Brgy. Ugong, nang maispatan si Salison na kasama sa target watchlist sa iligal na droga sa lungsod.
Nang masakote, nakuha sa posesyon nito ang isang pakete na naglalaman ng shabu na nakasingit sa bracelet ng suot nitong relo at isang SYM motorcycle (1374 TZ) na gamit nito sa operasyon.
Ayon kay Armamento, si Salison ang kilalang ‘tulak’ ng iligal na droga sa may Disiplina Village na matagal nang hinahanting ng pulisya. Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.