120 pamilya nasunugan sa QC

May 80 kabahayan ang natupok ng apoy sa sunog na naganap sa Brgy. Masambong sa Araneta Avenue panulukan ng Sgt. Rivera Sts. sa lungsod Quezon kahapon. (Kuha ni BOY SANTOS)

MANILA, Philippines - Sa halip na maging masaya ang simula ng pasok ng Disyembre, kalungkutan ang samalubong sa may 120 pamilya makaraang maabo ang kanilang tahanan sanhi ng sunog na naganap sa lungsod Quezon kahapon.

Ayon kay Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, naganap ang sunog sa pagitan ng dalawang barangay sa bahagi ng G. Araneta Avenue na nagsimula sa bahay ng isang Milagros Mabilangan, 75, ng Brgy. Manresa.

Dahil pawang gawa lamang sa light materials ang bahay mabilis na kumalat ito at tumawid sa katabing barangay kung saan nilamon ang may kabuuang 80 bahay. Ganap na alas-4:55 ng madaling-araw nang sumiklab ang sunog, at umabot sa ika-limang alarma bago tuluyang naapula, alas-6:55 ng umaga.

Sa kasalukuyan, patuloy ang ginagawang clearing operation ng BFP sa nasabing lugar upang matukoy ang ugat ng nasabing sunog.

 

Show comments