MANILA, Philippines – Gagamit na ng solar panels-friendly infrastructures ang pamahalaang-lokal ng Quezon City sa mga pampublikong paaralan at gusali ng pamahalaan sa lunsod upang makatipid sa kunsumo sa suplay ng kuryente.
Ito ay makaraang atasan ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang division of city schools at Task Force Streetlights na pag-aralan ang pagkabit ng mga solar panels sa mga roofing ng mga public schools at government office buildings sa lunsod.
Sinabi ni Bautista na bukod sa maibababa nito ang singil sa paggamit ng kuryente, may pagkakataon din itong lumikha ng dagdag na kita sa lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagbebenta at metering sa sobrang suplay ng kuryente na makukuha sa paggamit ng solar panels.
Anya, ang Meralco ay maaaring bumili sa QC ng solar power sa halagang P5.00 per kilowatt lamang o higit pa. Sa proyektong ito, ang pamahalaang lokal ng Quezon City ang aako sa malaking investment para sa pagkakabit ng solar panel sa mga public school at government buildings sa lunsod.
Sa ngayon, ang SM North EDSA ay nakakapag-generate na ng 1.5 megawatt ng kuryente mula sa solar panels na nakakabit sa multi-level car park rooftop nito at nakakatipid ng halos limang porsiyento sa gamit sa suplay ng kuryente ng naturang mall na may halagang P2 milyon sa gastusin sa kuryente.